Tuesday, May 30, 2006

Walang Clue

So, malapit na ang fathers day. O, yang mga mapapalad na anak diyan na kilala ang ama nila ihanda na greeting cards, regalo, ang sasabihin sa long distance call, o kaya naman ang pag-bisita sa sentemeryo.

Teka, sandali lang. Kailangan ba talagang bumati? E, papaano kung di mo ka-vibes ang erpat mo o kaya naman ay hindi niya ginagampanan ang tungkulin niya bilang ama? kailangan din bang mag masabi ng happy fathers day?

Kung sabagay, madaling sabihin yan, kahit hindi mo inaamin. Sabihin mo na para walang gulo. Masasabi ko sa iyo na kahit na anong hinanakit mo sa tatay mo, sa kung ano pa mang dahilan, tatay mo pa rin siya. Dito ginagamit ang tinatawag na white lie. Baka matawag ka pang walang utang na loob, itim na tupa, suwail na anak at kung ano ano pang di magandang pakingang salita.

Iisa at iisa lamang ang tunay mong ama, yung biological father. Datapwat, maari rin naman na iba ang gumagampan ng tunay mong ama. Narinig mo na ba ang salitang, siya ang tatay ko, ngunit siya ang tatay ko. Ano ang kaibahan ng una sa pangalawa? Di ko na siguro kailangang ipaliwanag pa. Alam ko na alam mo kung ano ibig sabihin nito.

So, anong pahayag ng kuro-kurong ito?

Si Monching ay malapit kong kaibigan. Ang tatay niya ay isang marangal na tao. Hindi siya santo, ngunit higit siya kaysa ibang magulang. Dinamitan, pinakain, at pinaaral niya si Monching. Binigyan ng pangalan at bahay na matatawag na tahanan. Datapwat, sa tanang buhay ni Monching, hindi silang dalawa nagkaruon ng panahon na pinagsaluhan.

Hangang lumaki si Monching, hindi sila nagkaruon ng pagkakataong magusap na mag-ama. Wala siyang bagay na masasabing, ito ang natutunan ko sa tatay ko. Wala siyang sapat na halimbawa o kasangkapan sa hinaharap niyang katungkulan. Kapos-kapalaran, walang clue ang tatay ni Monching kung sino si Monching.


Happy Father's Day!


Friday, May 26, 2006

OFWs, USA

Kamusta buhay-buhay diyan sa inyo, mga kapatid? Panay ang kayud ano? Kailangan kasi mag-remittance sa Pinas. Kung hindi, baka walang tigil ang kililing ng telepono. He, he, he, joke only, although that is part in the life of OFWs - the unspoken or newly discovered heroes ng Pinas, if not saviors of GMA’s economic development claims.

Ang buhay ng OFWs dito, according to Kulas, is not much different from those elsewhere in the world. The places change, but their stories remain the same. Here are glimpses:

Kahapon, nag-wire na naman ng pera si Aleng Lucing na pambayad ng gastos sa ospital ng apo niya. Kahit matagal na dapat siyang retirido, sige pa rin ang trabaho niya. Gusto niyang maka-ipon ng sapat upang tuluyan na siyang makauwi. Kaya lang lagi na lang may humihingi ng tulong niya. Isang taon na lang at makaka-retire na ko sa atin, ang sabi niya. Iyan din ang sabi niya last year, and the year before that, and the year before that.

Si Malou naman na TNT(tago ng tago), nakaipon na. Walang nakakalam kung saang lupalop na siya napadpad, pero nakabili na ng lupa sa Bulakan sa pagba-baby sitter. Titser siya sa Pinas. Ng umattend siya ng conference dito, di na siya umuwi. Ang huling balita ay nakipag hiwalay na siya sa kanyang asawa. Napundi na siguro sa kakapadala. Good time ni Mr., hard time ni Mrs.

Eto naman si Anthony (Tonying sa atin) hiniwalan na ang asawa, na siyang nagpadala sa kanya rito. Sumama sa kana. Nagpahaba na ng buhok at naka-pony tail pa. Bumalik sa pagka-binata at panay ang kanta sa karaoke bar. “Elvis kasi boses ko,” sabi niya. Hinde nagtagal, siya naman ang iniwan ni kana. Katawang Tonying, hanggan ngayon may litrato pa ng kana sa pitaka niya. Yan ang gelfren ko, ang pinagyayabang niya.

Si Melba naman ay sa boarding house nakatira, pero ang laki ng Bahay sa Caloocan. May dalawang otto, tsuper, tatlong katulong at sa pribadong paaralan pa ang pinapasukan ng mga anak. Hindi nga lang niya ma-enjoy ang kanyang pinaghihirapan dahil hindi siya makauwi sa takot na di na siya makabalik dito.

Si Efren na makisig ay ikakasal sa isang Puerto Ricana. Malaking surpresa sa amin yan. Actually, surpresa din sa kanya dahil di niya akalain na ang iniiwasan niyang babae ang mapapangasawa niya. Hindi naman hidden love revealed yan. May isang hayop na nagsuplong na TNT si Efren. Ng mahuli siya, ang iniiwasan niyang tagahanga ang sumaklolo sa kanya. Sige na lang, ang sabi niya. Buti na 'to kesa, gutom(nothing doing) sa Pinas.


Happily, may kasiyahan rin ang buhay nila, at marami ring success stories. Usually, ang mga ito ay may mga sariling pamilya na rito at walang masyadong inaalala sa pinas. Either mahusay ang kabuhayan ng pamilya nila sa atin in the first place, o kaya naman narito na silang lahat.

Marami rin ang ayaw ng umuwi sa atin dahil nakasanayan na nila ang buhay rito. Pwede rin namang ma assimilate dito ng walang problema. Live and let live, ika nga. Just be prepared to be discrimated against once in a while. Like it or not, HINDI na mababago yan. Talagang ganyan ang buhay.

Mayroon din namang gustong maging kano mas pa sa puting kano. Maybe it’s just me, but lets face it, kahit na anong galing mo at kahit na Amerikano, Britano, Frances o ano pa mang citizenship ang sinasabi sa passport mo, pinoy pa rin ang pagmumukha at ugali mo.

Anyway, ang talagang nakakainis ay ang mahirap at kawalang pag-asa ng kalagayan ng bayan natin. Iyan ang dahilan ng tinatawag na pinoy diaspora, ang pagkalat ng pinoy sa ibat-ibang bayan. Ayaw kong mam pulitika pero hindi maiwasan. Magbago naman sana ang mga walanghiya diyan sa gobierno natin. Mga P’tang-na niyo, puro kayo swapang!

He, he, he. Pasensya na ha.

Tuesday, May 23, 2006

Panampalataya.

May isang kalbo at maitim na lalake na nakaupo sa sofa. Nakapantalon siya ng itim na Levi jeans at wala siyang suot na kameseta. May nakapagtatakang ngiti ang kanyang mga labi at nakatingin siya sa isang nilalang. Sa bandang kanan niya ay may television. Hinde mawari kung anong palabas ang pinanonood niya.

Sabi niya:

O, ano! Ang akala mo ay alam mo na ang lahat. Ano ang ginawa mo! Wala kang pinaniniwalaan! Hindi ka nakikinig at hindi ka mapagsabihan! O, ano ngayon! Ano iyang ginagawa mo at Ano ang gagawain mo?

Tiningnan siya ng nilalalang. Sinuri ang mga pahiwatig sa pagitan at likuran ng kanyang mga salita, at nagtanong:

Sino ka ba? Akala mo kung sino ka kung magsalita! Hindi ba isa ka ring hamak na maitim at pobreng tulad ko?

Sumiklab ang nakasisilaw na ilaw mula sa television. Lumaganap ito na parang di mapigil na apoy sa tigang na gubat. Kumunsumo ito sa mamang kalbo, at sa kawalan ng buong kalibutan, umusbong ang malinaw na kasagutan:

Hindi siya maitim! Wala siyang likas na kulay. Siya ay kung sino o ano mang bagay na kanyang magustohan! Nagaalinlangan ka pa ba? Wala ka bang panampalataya?

Siya ang iyong pinagmulan!

Wednesday, May 17, 2006

PI Blues.

Ang haplos ng agos sa baybay dagat ay mahalina. Ipikit mo ang iyong mga mata - Dinuduyan ka. Ang langit ay puno ng estrella. Dumilat ka, mga perlas ng langit nagsasaya.

Gusto ko ang ulan. Ang tumayo sa gitna ng bukid, tumingala sa langit, pagmasdang at ramdamin ang mga patak nito sa aking mukha. Gusto ko ang kidlat. Matyagan gumuhit ang matindi at nakasisilaw na ilaw sa maulap na langit. Gusto ko ang kulog. Ang makabinging dagundong na gumugulong, hilaga hanggan katimugan, silayan hanggan kanluran.

Halos walang tao dito. Nakapag-iisa ako: Lumalangoy na hubad. Sumisigaw na parang baliw. Nagdiriwang kasama ang mga anino at balang ng gabi. O kay saya ng malaya sa paningin at isipan na banyaga. Bayan ko. May P.I. Blues ako.
~~ o ~~

Monday, May 15, 2006

Puppy Love-ii

Flashback.
Mahilig sa lumang pelikula si Lydia, lalo na sa mga trahediya - yung malungkot ang ending. Pag-dating sa eksena'ng huling paalam ng bida, nagtutubig ang kanyang mga mata at pasinghut-singhut pa, "Hikbi," ang iyak niya. Okay lang naman, sapagkat sa dibdib ni Kulas siya umiiyak. Ang masakit diyan ay si Kulas rin naman ang tinatamaan ng pagka inis si Lydia sa kontra-bida, “Umm(kurut), huwag mong gagawin sa akin yan ha!” ang babala niya kay Kulas.

Mahilig rin si Lydia sa practical jokes. Tulad halimbawa, noong nasa restaurant sila ni Kulas. Nagpaalam siyang pumunta sa ladies room. Mahinog-hinog na si Kulas sa kakahintay sa tagal ni Lydia. Nag-alala si Kulas at hinanap na siya. Pati na yung waiter ay tumulong sa paghahanap. Haggang sa labas at paligiran ng restauran, di nila makita.

Kung ano-anong lagim ang pumasok sa isipan ni Kulas. Naku, baka nakidnap si Lydia! Tatawag na sana sila ng pulis ng makita ni Kulas si Lydia, sa loob mismo ng restauran! Madali siyang bumalik doon upang alamin kung ano ang nangyari. Nagulat na lamang siya ng salubungin siya ng galit si Lydia. Naka pamaywang pa ito at mukhang kakain ng tao ang itsura.

“Kulas, ano ka ba? Saan ka nagpunta? Kanina pa ‘ko naghihintay sa iyo dito!” Nalito si Kulas. Siya na nga itong hanap ng hanap kay Lydia, tapos siya pa itong sinasabing nawala? Kamut ulo si Kulas, at bago siya nakapagsalita, biglang tumawa si Lydia at sinabing, “Got you!” Gusto sanang pingutin ni Kulas ang cute na ilong ni Lydia, ngunit napatawa na lang rin siya.

Trahediya.
Magandang balita ang pagdating ng ama ni Lydia mula Borneo. Nagkaroon ng party sa kanila, at siempre nakasingit si Kulas dun. Masaya ang pagdiriwang, ngunit doon nalaman ni Kulas na mag-aalsa balutan sila Lydia. Lilipat sila sa Borneo.

Parang nadismaya si Kulas. Wala siyang masabi. Alam niyang wala siyang magagawa upang maiwasan ang pagdating ng di mapipigil nilang paghiwalay.

Namasyal ang kanyang paningin sa nakalipas nilang masasayang araw. Sa kanyang isipan, umiikot na parang ipo-ipo ang palatandaan ng mga paboritong trahediyang pelikula ni Lydia. Nagpapaalam ang dalawang protagonista sa huling eksena ng trahediya. Magpapaalam si Lydia, at kaibahan sa practical joke na ginawa niya kay Kulas sa restauran noon, sa pagkakataong ito, tuloyan na siyang mawawala.

Epilogue
Malungkot ang kanilang paalam. Nasa gunita na lamang ang mga masasayang araw. Sa panahon ng kabataan,, hindi kanila ang sariling buhay. Marahil, isang kasawian, ngunit pansamantala lamang. Sapagkat sa darating na kinabukasan, masaklap man ang dinaanan, matibay itong sandigan.

Huwag kang mawalan ng pag-asa. Pag-ibig ko ay lagging nariyan. Hindi man ako ang kahinatnan, maniwala ka, mahal ko, sa puso ko, ikaw ay nariyan. Paglipas ng panahon, makatagpo ka man ng ibang hirang, Ang ating kahapon, hindi ko malilimutan.

Si Lydia, ngayon.

Friday, May 12, 2006

Puppy Love

Labing-anim si Kulas ng panain ni Kupido. Bagong pakiramdam ito para sa kanya: sabik, di-mapakali at maalinlangan. Tatawagin ko na lang sa pangalang Lydia ang sanhi nito. Di naman siya kagandahan. Medyo chubby pa nga at sungki ang isang ngipin. Pero, kinakabahan si Kulas tuwing makita niya si Lydia. Natatakot pa ngang kausapin, sa pangamba na may masabi siyang engot.

Kahit anong pilit, hindi maitago ni Kulas ang niloloob niya. Kaya madalas siyang tuksuhin ng mga classmates niya. “Uuy, si Kulas may gusto kay Lydia,” ang biro nila. Pati na rin si Lydia, na may pagtingin din kay Kulas, ay nakikitukso. “Hi, Kulas,” ang malambing na bati niya. Dahil shy si Kulas, mautal-utal ang mga sagot niya.

Isang hapon, nag-lakas loob si Kulas na ihatid si Lydia pauwi. "Cool ka lang Kulas, huwag kang sabik, be yourself, huwag kang tongo," ang sabi niya sa kanyang sarili. Sa ingay at dami ng tao sa lansangan, sa pakiramdam ni Kulas, silang dalawa lamang ang naroroon. Dinig niya ang bawat salita ni Lydia. Pansin ang bawat sulyap. Ramdam ang bawat galaw at hinga nito.

Mula noon, lagi na niyang inihahatid si Lydia pauwi, hanggang sa makursunadahan at magulpi siya ng mga istambay doon. Binigyan siya ng black-eye at muntik na siyang ma-ospital. "Huwag ka ng pupunta dun. Napaka bata mo pa. Puppy love lang yan. Huwag kang mokong, Kulas!" ang payo sa kanya.

Hindi ba kailangang kumain ang gutom, uminum ang uhaw, matulog ang inaantok? He, he, he, actually, yan ang sabi ng nanay niya, "matulog ka na lang Kulas para di ka mapahamak." Hinde nawalan ng loob si Kulas. Maliit na kabayaran ang bukol sa maiinit na haplos ni Lydia. Hinde niya matitiis ang kirut ng kanyang dibdib. Si Kulas pa, e ang tigas ng ulo niyan!

Hindi nagtagal, umoo na si Lydia. Mula noon, laging naroon si Kulas sa bahay nila Lydia. Nakabantay naman lagi ang lola at nanay ni Lydia. Pati na yung kuya ni Lidya na puno ng tatoo ang braso ay naka estambay din. Kung minsan, naiisip ni Kulas, na baka ang kuya ni Lydia pa nga ang nag-pagulpe sa kanya(di naman pala, he, he). Sa plus side, paminsan-minsan, pinapadama ni Lydia si Kulas. Pinapa-second o third base, pero walang home run.

Masaya at parang walang hanggan ang kanilang ibigan, ngunit sa di maipaliwanag na dahilan, kinalakihan nila ito at paglipas ng panahon, they went their separate ways - good friends.


Wednesday, May 10, 2006

Gamugamo



Ang padpad ng hangin nasa aking paningin.
Kung minsan matamis, kung minsan maasim.

Kailangan pa ba na laging usisain,
kung ang lasa sa labi ay masarap lasapin?

May gamugamo, kuwela ang isipin.
Malimit una sa aking panauhin.

Matamis ang salita, masayang kausapin,
ngunit may layunin mahirap unawain.

Iwasan mangahas na si Kulas ay pilitin.
Huwag matulad sa gamugamong mausisain.

Monday, May 08, 2006

Congrats Kulas.

Noong mga nakaraang linggo, marami akong blog na nabasa ukol sa graduation. Isa na diyan yung nangyari sa graduation ceremonies sa Cavite State University na ang guest speker e si Gloria. Okay yun ha, pero hinde ukol diyan ang salaysay ko ngayon.

Ano ang graduation sa atin? Hindi ba family affair yan? Plantsado mga damit at kung minsan naka-hairdo pa nanay, hindi ba? Okay, talaga naman ganyan. Kahit na mga kaklase ko, buong mag-anak kasama. Ang dami pang kuhaan ng litrato ng pamilya, titser, kakalase, at kung ano-ano pang gimikan. E si Kulas, papaano graduation ni Kulas?

Noong nag-graduate ako ng elementary school (grade 6), solo lipad ko. Ako lang mag-isa. Bihis, siempre! Naka-pomada at naka burdahing barong pa nga. Kaya lang walang nag-attend. Ako lang. Paano nangyari yun? Sa totoo lang di ko na rin maalala kung ano dahilan.

Medyo malungkot isipin, pero sa pagkakataong iyun, di ko na inisip na
malungkot. Basta pumunta na lang ako mag-isa. Hindi naman kasi kalayuan ang eskwelahan sa bahay namin. Nilakad ko na lang. Pagdating ko doon, nakita ko si Romy, ang best friend ko, at ang dalawa niyan nanay(ibang istorya naman yan). Doon na lang ako umupo sa tabi nila.

Pagkatapos magsalita ng kung sino-sinong importanteng tao na di naman namin kilala, tinawag kami sa intablado at binigyan ng diploma. Actually, kopon-bond lang na nirolyo na may laso, dahil di pa yata naimprenta ang tunay na diploma.

Pagkatapos ng seremonya, “Congrats Kulas! Halika, sumama ka sa bahay namin. May handaan,” ang sabi ni Romy. “Hindi ako pwede, Romy. May handaan din dun sa amin,” ang sagot ko. Alam mo na, palusot si Kulas.

Umuwi na ako. Pag dating ko ng Bahay… Pili kayo ng ending:

* Walang tao. Nag-kalituhan. Nahuli silang lahat sa graduation. Hinahanap nila sa Kulas dun,
kaya walang tao sa bahay.

* Naku! Ang daming tao. May surprise party pala si Kulas.

* Isang karaniwang araw sa tahanan nila Kulas. Parang walang nangyari. So, nag-graduate si Kulas, Good!

Thursday, May 04, 2006

Pepsi.

Some things bring back old memories. It could be anything, a word, a sound, a picture or maybe something that tickles your nose. It is curious, however, that what we remember may have little to do, if anything, with what inspired us to reminisce in the first place. Kind of strange, huh? Anyway, to humor myself, I sometimes try to make sense of the situation:

Sabi ni Joe, hindi niya mawari kung ano ang dahilan ng pag-break nila ni Jane. Hindi naman daw siya nagkukulang sa kanyang pananalita. "Kailangan sabihin mo and nasa isip mo. Gusto nilang malaman ang pakiramdam mo! They feel insecure if you don't talk," ang patuloy niya. Hinde ba tahimik ngunit mapanganib ang “in” sa mga babae. Salungat yata sa postulasyon ni Joe na kelangan madada. Baka naman nasa tiempo o situwasyon ng pananalita.
Teka, ito pala naalala ko:

May nakaparadang Pepsi Cola truck sa Avenida Rizal. “Pepsi Cola is the drink for you,” ang kanta namin ng kapatid ko. Iyan kasi ang lagi naming naririnig na jingle sa radio noon. Di namin agad napansin may PR man pala ng Pepsi Co. dun.

PR Man, nakangisi: That’s very good, Boys! Listen, I will give you a case of Pepsi, if you can tell me what makes Pepsi the best soft drink in the world!
Kami, excited: Because it tastes good!
PR Man, pailing-iling: No.
Kami, di na kasing excited: Because it quenches your thirst?
PR Man, medyo serious ang tono: Nope, Ok boys, make it good, last chance!.
Kami, kinanta na jingle. Wala ng maisip, e: Because... Pepsi Cola is the drink for you!
PR Man, parang pilosopo: Nope. Quality! Quality makes Pepsi the best soft drink in the world!

Pag-sulong ng truck, natawa na lang kami ng makita namin ang mahiganteng salitang “Quality...” na nakasulat sa likuran ng truck.

So ano ang kinalaman nito sa kwento ni Joe?
Sino makapagsasabi kung ano ang tunay na dahilan ng alitan nila? Ang payo ng pundits e, "talk it out." Sabi nila: Ang madalas na dahilan ng pag-aaway ay ang pagkukulang ng communication. Nababaun ang hinanakit, at pag lumabas ito sa di tamang pagkakataon, bakbakan ang resulta.

So, kung ano man ang problema, kailangan pag-usapan ng mabuti, and needless to say, "What makes Pepsi Cola the best soft drink in the world," ang dapat na katangian ng usapan.

Gets mo...? He, he, me tama ba o mintis. Sabi ko sa pasimula pa lang, maaaring malabo relasyon, di ba?

Tuesday, May 02, 2006

Dalaw ni Ate.

Pagod si kulas kaninang umaga. Kagigising lang e pagod na kaagad. Nadapuan yata ng tamaditis. Di na dapat ganito... Hayyyy, ng pusa, oo! Ayaw pa talagang gumising ni Kulas. Ang galing kasi ng panaginip niya – lumilipad.

Mahiwaga ang panaginip. Sa pag-tulog, hinde mo masiguro kung mananaginip ka o kung ano ang mapapaginipan mo. At sa panaginip, nakikita mo ang sarili mo, pati na rin ang mga taong matagal mo ng di nakikita. Oo nga, pati na yung nasa kabilang buhay.

Paglipas ng ilang araw ng pagpanaw ni Ate, binisita niya ako sa aking panaginip. May tinig akong narinig na bumulong sa akin, “Kulas, nariyan si Ate, o!” Ng lumingon ako, nakita ko si Ate, nasa isang duyan, at nakangiti sa akin. Ang linaw ng kanyang magandang mukha. Walang bahid ng dinanas na pagdurusa noong mga huling araw niya.

“Kulas, huwag ka ng mag-alala. Okay na ako,” ang sabi niya.

Ate! Ang sabik na sigaw sa loob ng dibdib ko. Gusto kong marinig niya ang tawag ko, ngunit pinipigil, ayaw lumabas sa bibig ko. Sa aking galak na makita siyang muli, gusto ko sana siyang yapusin, ngunit nagpapaalam ang kanyang tingin, at sa isang kisap-mata, wala na siya.

Hinde ko mawari kung ang kawalang pag-asa na makatulong lunasan ang napakahirap niyang sakit ang sanhi ng aking panaginip. Laging nasa likod ng aking isipan ang kanyang paghihirap, lalo na noong mga huling araw niya dito sa lupa. Marahil, alam ni Ate ito. Marahil ito ang dahilan ng kanyang pagdalaw sa aking panaginip. Marahil, gusto niyang ipalagay ang loob ko at ipaalam na mabuti at masaya ang kanyang kalagayan sa langit.

Monday, May 01, 2006