Tuesday, December 23, 2008

Pamasko ni Tatang..

Nagpasimulang magpadala ng pamasko sa amin si tatang pagpatong niya ng edad fifty-five. Pareho-pareho at praktikal ang regalo niya sa aming lahat: kubyertos, hamon, o ano mang bagay na pambahay. Walang personal touch.

Medyo nakapag-tataka, kung hinde nakatatawa dahil hinde naman talaga nagpapadala si tatang ng kahit ano - Regalo pa? Sa totoo lang, lagging nakasimangot yun kapag nilalapitan mo sa umaga(lalo na noong nasa high school ako). Akala mo e laging hihingian ng pera. Hehehe, gayun pa man, e kanino pa ba naman kami lalapit?

May kutob ako na itong padala-dala ng regalo sa amin ni tatang ay dahil sa gulo nila ni nanang. Nagbabanta kasi si nanang ng divorce! Wala naman sa Pinas niyan, diba? So, legal separation kung sa atin? Mabuti pa nga siguro na huwag na lang silang magsama. Tutal, sumbatan lang naman ang dating nila. Iyan e kung mag-uusap silang dalawa. Ang kaso e ayaw ng magsalita ni tatang dahil puro sisi lang inaabot niya. So, mabuti pang tumiklop at magpangamuyo na lang siya. Nakapupundi naman talaga si nanang, kung maririnig mo. Puro na lang salungat sa kuro ni tatang kahit sa anong bagay. Halimbawa, kapag sinabi ni tatang na puti, sasabihin ni nanang na itim. Kung sabihin ni tatang na mataas, sasabihin ni nanang na mababa. Gets mo? Ito na yata ang tinatawag na "a woman's scorn."

Teka, teka, medyo na-distrak ako. Iba iyang istorya ni nanang at tatang, although may kinalaman ito sa post ko ngayon.

Naniniwala ka ba sa kasabihang, "It's never too late?" Na maihahabol sa tambol mayor ang ano mang bagay? Siyempre, as always di lahat, pero I'm sure na sa pagbabago ng ugali - It's never too late!

Tulad ng nabangit ko sa simula, hinde type ni tatang ang nagbibigay ng regalo. Sa tanang buhay kong nasa ilalim ng bubong ni tatang wala akong natangap na regalo sa kanya. Sure, pagdating ng Pasko ay may pamasko, pero di ko masasabing galing sa kanya personally, na siya ang mismong bumili o pumili para sa akin. Sa totoo lang, wala siyang interes sa mga bagay na iyan. Dinidisponer niya ang gawaing ito sa iba. I bet na hinde niya alam kung anong regalo ang pamasko ko. To be sure, hinde ko hinahatulan na masama o mabuti ito. At doon sa nga magsasabi na pinalaki niya ako o siya nagsustento sa akin of ano pa man diyan, tungkulin ng magulang iyan, bukod sa tungkulin ang damay dito. Basta't ganoon lang talaga ang sitwasyon.

So, nagpasimulang magpadala na ng regalo si tatang tuwing Pasko. Okay yun, kaya lang hanggan doon na lang yun. Wala na ng kamustahan, tawagan sa telepono, e-mail o snail-mail man lang. Yun lang ang contact namin. Pagdating ng Pasko exchange gift kami, that's it. Marahil he tried? Kaya lang kung hinde mo alam kung papaano magpakita ng nasa loob mo sa isang tao, mahirap gawain. Isa pa, hinde marunong mag small talk si tatang, isang bagay na namana ko sa kanya. Kaya pareho na kami na walang mapagusapan. Sa huli, nagsawa din ng kakapadala. Hinde naman siguro niya na appreciate ang mga regalo ko, kahit na mamahalin. Kaya dumalang ito hanggan tumigil na rin.

Naroon ako sa mga huling oras niya. Hinde na makapag salita dahil naka oxygen mask, pero alam ko sa kanyang mga mata na matalas pa ang kanyang isip. Naramdaman ko ang ngiti niya ng makita niya ako. Pansin ko na naroroon pa ang lisik ng kanyang mga tingin. Pumanaw siya ng madaling araw, kinabukasan ng pag dalaw ko.

Ng pumunta ako sa bahay niya nakita ko sa kanyang closet ang mga pamaskong regalo na natangap niya sa mga taong lumipas. Nakabalot pa. Palagay ko, sinubukan niyang mapalapit sa amin. Oo, he tried. And, he picked the right time to do it - tuwing Pasko. Hinde lang natulak ng maigi ang pamasko ni tatang.

Monday, December 22, 2008

Pamaskong Ala-ala.

Dahil laging nasa trabaho si tatay namin at nasa majongan naman si nanay namin, si ate ang bossing sa bahay. “Kulas isulat mo ang gusto mong ipasko sa iyo ni Santa Klaws. Ilalagay mo yan sa Krismas stockings mo at pagdaan ni Santa Klaws iiwan niya ang gusto mo.” Ito ang mando ni Ate sa akin, bispiras ng pasko. Nakasisindak si Ate kung minsan. Akala mo e laging may pahabol na batok ang salita - Hehehe. Pero ganoon pa man alam kong asikaso niya kami.

Anyways, sunod ako kaagad. Ito ang hiling ko kay Santa Klaws: Hopalong Cassidy pistols, Gummy Bears candies, at Nestle chocolate bars. Sinulat ko ito sa kapirasong papel, maingat na nirolyo na parang bala ng tirador at ibinigay kay Ate. “O sige Kulas, matulog ka na! Pag-gising mo bukas ng umaga nandiyan na iyan, kung mabait ka.”

Hinde pa man ako inaantok, sumulong na ako sa kama. Hehehe, mahirap na, baka Santa Klaws is watching. Baka sabihin pang di ako good boy e mapurnada pa ang hiling ko. Ayon ako, nakatitig sa kesame at nangangarap sa hiling ko. Nagbabaril-barilan kami sa silong. Patay silang lahat sa akin dahil asintado ako. Tapos, kakain kami ng kendy hanggan sumakit ang tiyan namin.

“Kulas, gising na. Pasko na!” Narinig ko ang boses ni nanay. Amoy ko ang halimuyak ng hamong-intsik at rinig ko ang rikit ng piniritong itlog. Tulad ng mga nakaraang Pasko, tiyak na may ensaymada at empanadang galing pa ng Batangas. Oo, may malapot na tsokolate. Mabilis akong bumagon at dumiretsyo sa sala upang i-check ang Hopalong Cassidy na baril-barilan ko. Ayon, nakasabit sa pader, katabi ng Pamaskong medyas na bumubukol sa puno ng kendy na hiling ko. Wow, ito na yata ang pinaka-Paskong Pasko ko. Lahat ng hiling ko ay ibinigay!

Sana... Oo, sa panaginip! Yung handang pagkain ay hinde panaginip. Yung baril-barilan at kendi ang hilaw. Mayroong baril-barilan, ngunit hinde Hopalong Cassidy - more like gawa sa palo-tsinang kahoy. At yung Gummy Bears at tsokolate ay lemon drop na galing sa tindahan ni Pablo na tingi ang bentahan.

Nagtatanong ang tingin ko kay Ate - ano ang nangyari sa baril kong Hopalong Cassidy? Walang salitang bumitiw sa aming dalawa, datapwat saglit na nagunawaan ang aming isip... Tinutok ko ang palo-tsina kong baril-barilan sa aking paligid at mabilis na pinakawalan ang ilang putok : Bang, bang, bang!

Napangiti si Ate.

Merry Christmas
and a
Happy New Year!


Sunday, December 14, 2008

Pektus!

Sa mga dumaang taon papasok pa lamang ang Disyembre inaasikaso na ni Kulas ang listahan ng kanyang mga papaskuhan. Binibigyan niya ng pag-iisip ang mga hilig ng kanyang mga kaibigan at kamaganak. Sa ganitong paraan naniniwala siya na kahit hindi mamahalin ang kanyang pamasko, magugustohan nila. Walang duda ito. Napatunayan niya na ito sa mga dumaang taon.

Mabangit ko lang na hinde ako naniniwala sa mga nagsasabi na kahit na ano ay maaring panregalo – na sapat na ang may mai-abot ka. Para kay Kulas mas mabuti pa ang wala kaysa mayroon na wala namang kabuluhan. Siyempre, iba yung magpasalubong ka ng para sa lahat tulad ng pagkain, halimbawa. Pero, sa mga personal na bagay, kailangang may kahalagahan ang regalo mo sa hinahandugan.

Nawari ni Kulas ito sa sariling niyang karanasan. Sa kanyang paglaki wala siyang maala-alang ragalo na tunay niyang napusuan. Lagi na lang mintis o daplis ang dating! Sa kung ano pa mang dahilan na hinde niya maunawaan, kahit na sabihin niya ang bagay na gusto niya, hinde pa rin niya ito makamtan. Kaya, sa kanyang paglaki, tulad ng kasabihan na "do unto others what you want others to do unto you, " binibigyan niya ng tunay na halaga at panahon ang kanyang handog. Hinde naman siya martir, ano. Ang katunayan may pansariling dahilan ito. Nagbabaka sakali lang na kapag kumalat ang ideyang ito ay talbugan siya at iba pang nilalang ng sinimulan niyang gawain.

Talbugan kaya?


Sunday, November 02, 2008

Auntie S, as in Tia Sungit.

About two or three days ago, I got a call from a cousin. It was a little surprising because she hadn't called me in ages. In fact, I don't remember her ever telephoning me. Wow, this must be about something very important.

MK: Hello... Z, what's up?
Z...: Nothing much...

Nampusa, ano ba naman ito? Panahon pa yata ni Mahoma ng huli kaming magkita. Ngayon from out of the blue, tumawag siya sa akin. Tapos, nothing much daw. Ano bang estilo iyan?

Anyway, pagkatapos ng kamustahan, sinabi na rin niya ang dahilan ng pag-tawag niya: "Kulas, gusto kang makausap ni Auntie S," ang madiing sabi ni Z. Whoa, medyo nakagugulat iyon dahil si Auntie S ay ang Tiyahin kong napakalupit sa akin ng maliit pa ako. "Ano?" ika ko sa nagtatakang tono. "Gusto kang makausap ni Auntie S," ang ulit ni Z. "E bakit hinde na lang niya ako tinawagan?" ang tanong ko. "Kulas, wala kasi sa akin ang tel# mo ng nagkita kami, kaya eto number niya, tawagan mo na lang,"ang sagot ni Z." Hmmm, o sige, tatawagan ko when I get the chance," ang medyo naiinis kong sagot.

Pagkatapos namin magusap ni Z, napaisip ako kung bakit ako gustong kausapin ni Auntie S. Ano kaya ang dahilan? Tatawagan ko ba siya? Teka, matanong mo: sino ba itong si Auntie S? Ano ba ang ginampanan niyang papel sa buhay kulas?

Si Auntie S ang ika walong anak sa siyam na legal na anak ng Lolo ko. Ng maliit pa ako na nagbabakasyon sa probinsya, napasungit niya sa akin. Lagi niya akong sinasaktan at inaapi na sa pakiwari ko ay walang dahilan. Ng huli kong uwi sa Pinas, hinarap ko siya at tinanong kung bakit napakalupit niya sa akin ng bata pa ako.

Ay naku, Kulas. Alam mo ikaw ang paboritong apo ni Papa. Nagseselos ako sa inyo at dahil dito ikaw ang tinamaan ng aking pagseselos! Wow, what a likely story, I thought. Maniwala ka ba diyan na ang walang malay na musmus e paginitan niya? Pamangkin niya pa kamo. Malayong daplis na katuwiran, diba? At sa katunayan, iyong isa ko pang tiyahin (sa ibang lola) na mas bata sa kanya ay walang pasubalit na inaapi din niya.

Biston-bisto si Auntie S. ano? Pero, matagal na iyon at kahit na ba may stigma, ano pa magagawa natin? Maari din naman na iyon ang tunay na dahilan. So, kalimutan na lang, ano? Hehehe, actually, papaano makalilimutan samantalang ito nga at naaala-ala pa.

Marami siyang pakutsi-kutsi. Kesyo nang kakamusta. Kesyo ganito at kesyo ganyan. kay haba-haba man daw ng prosesyon, sa simbahan din ang tuloy. Kaya, iyon, sa wakas lumabas din ang dahilan.

Pinagtatakpan pala niya ang isang kamaganak kong nang-iisa. Huwag ko raw kalabanin at mabait at mahal niya! Kapal muks naman niyan, ano? Anyway, in a nice way sinabi ko na kung talagang mabait yung mahal niyang pamangkin na iyon, bakit gustong mang-isa? Bakit bantay salakay?

Hinde raw. At totoong mabait daw dahil tinatawagan siya sa telepono? Hehehe, natawa ako, ngunit diko pinahalata. Anyway, pinabayaan ko na lang at medyo lumilipad ang isip. Hinde ko madisimula kung dahil sa pagtanda niya ito o kung sa ano man na bagay na nakain niya.

Go figure nga naman...

Friday, October 10, 2008

MTBkr

Noong dumaan na Winter Olympics nahalina akong panoorin ang Downhill Race events. Hinde mawala sa isipan ko ito. Parang na cha-challenge ako. Halos nararamdaman ko ang mabilis na ihip ng hangin sa aking mukha. Ang kagat ng lamig sa tulin ng skis sa ilalim ng aking mga paa. Ang hagibis ng tumitilamsik na yelo sa aking tagiliran.

Pangarap na gising? Medyo. Nakadidismaya nga dahil hinde naman ako magaling mag-ski. Ito man ang katotohanan, may makulit na humahamon sa looban ko. Nambubuyo: "kaya mo iyan, Kulas. Kaya mo iyan! Ikaw pa, kaya mo yan! Kaya ko? Kaya ko kaya? Oo, nga kaya ko 'to!" ang sangayon ng kalooban ko.

Hmmm, teka, mai-bounce nga kay Kulasa.

Kulasa : Kulas, kailan ka huling nag-ski? Ha? Di mo na maala-ala kung kailan iyon?
Kulas...: Ala-ala ko naman... Diba pibe years ago lang iyon?
Kulasa : Times two mo kaya 'yong pive? Plus 2 mo pa kaya?
Kulas...: Di naman...
Kulasa : E kung mabalian ka ng buto, paano na yan? Sino ang mag-aalaga sa iyo, aber!

Nampusa itong si Kulasa. Parang wala na ng adventurous ispirit. Puro na lang mga bagay na praktikal ang nasa isip. Kung sabagay magastos mag ski at umaangal na rin itong umaabanteng hinanakit ng katawan sa di mapigil na takbo ng panahon. Mukhang naiwan na ng panahon ang aking ambisyon na maging amateur downhill skier.

Oops, teka, biking kaya? chuma-chubby si Kulas. Kailangan ng di ka-aboridong exercise. Inilabas ko yung 12 speed racer kong linalawa na sa garahe. Pinaspasan ng trapo at pinapasada pababa mula sa isang mataas na kalye. Uy, okay to, parang downhill racing na rin ang pakiramdam. Hehehe.

Diyan nagpasimula ang aking pagma-mountain biking. Nag-switch ako sa mountain biking dahil nahalina ako ng off-trail scene. Para kang nasa malayong lugar, sa isang forest, kahit na nasa city ka pa rin. At, may mga trail na challenging. Tulad ng skiing na may grado ang mga slopes, ganoon din sa mountain biking trails, tulad ng easy, more difficult, most difficult at experts only trails. Sa skiing, ang equivalent nito ay from bunny to diamond slopes.

So, wala namang angal si Kulasa. Hinde lang siya makasama sa akin dahil di naman siya marunong mag bisikleta. Alam mo na.

Eto pics ng trails at maiksing video:

Ang pula kong bisekleta sa bukana ng mountain bike trails. kasunod ay bundok-bundokin na trail. Parang moguls sa skiing. Kaya lang ito a y mula sa mataas, pababa. More difficult and description ng trail na ito.


Ito naman ay papasok sa isang "more difficult" trail. Acutally, nasa kabilang panig ito ng sistema ng trails kabit ng isang isang highway overpass. Katabi nito ay malalim na slope. Kailangan mahusay ang preno ng bike para safe ka.




As you may have guessed solo flight ako sa biyahe kong ito. Di ko tuloy ma-video sarili ko, although yung portrait pic ko sa pasimula e ako kumuha. Anyways, maiksi at medyo magalaw and shot ko. I hope ma-enjoy rin niyo ang mag mountain biking.

Friday, June 20, 2008

Ambon IIc - Ompong

Parang may patalim na tumutusok sa tagiliran ni Carmen tuwing iangat niya ang kayang kanang kamay. Hindi niya alam kung ano ang sanhi ng ito - basta na lang sumulpot. Dahil kaya ito kay Noli? Naala-ala niya iyong nabasa niya ukol sa sex psychology: na karamihan ng bagay na kumukulit sa katawan at isip ng tao ay sanhi ng sex - kesyo labis o kulang. Magmula ng nasaling ni Noli ang dibdib niya, hinde na siya mapalagay. Lalo na sa gabing mainit, nagugunita niya lagi ang mapanuksong ngiti ni Noli. Dahilan kaya ito sa pagda-dalaga niya, tulad ng manibalang na manga, matamis na maasim-asim...

Pilit niyang sinubi ang ala-ala ni Noli sa likod ng isipan niya at patay malisya na tinawag ang mga pangalan sa listahan ng birth certificate na nakahanda ng ipamigay.

Napoleon Baleryano, Romeo Cwenteno, Armando Rufo, Ismael . . .

"Miss, Miss, Miss, Miss, Napoleon Baleryano, Napoleon Baleryano, tinawag niyo ba ang ngalang Napoleon Baleryano?" ang habol ni Ompong. Walang malay na pinihit ni Carmen ang dala niyang birth certificate at mabilis na hinugot ang kay Ompong, "O ayan!" Halos masubsub sa mukha ni Ompong ang papel, ngunit di man namalayan ni Carmen ang ginagawa niya. Nasa kung saan na lupalop ang isip niya...

Tumutugtug ng piano si Noli ng dumating sila Carmen. May practice sila ng araw iyon. Kakanta sila sa isang paligsahan sa school at silang dalawa ni Noli ang pambato ng class nila. Kunot noo si Noli ng batiin niya si Carmen. "O ano, nahuli na naman si Miss Universe! Nagpaganda ka na naman ano?" ang tanong niyang may kahalong ngiti. "Tse, nagpaganda ka diyan," ang sagot ni Carmen na wari mo'y Gustong batukan si Noli. Lagi na lang siyang kinukulit nito, lalo na kung makahanap ng dahilan. Kumukulo ang dugo niya sa inis, pero kapag nariyan ang pagkakataon na ibuhos ang kanyang galit kay Noli, napapawi ito sa mga mais na biro ni Noli. "O, sige na nga. Halika na rito at simulan na natin mag practice," ang mahalinang yakag ni Noli...

Umupo si Carmen sa tabi ni Noli at ng ibuklat ni Carmen ang sa susunod na pahina ng kanilang tugtugin, nasangi ni Noli ang dibdib niyang walang panilalim. May gumuhit na kuryente sa katawan ni Carmen. Bagay na ikinabahala niya. Damdaming bago sa kanya. Damdaming di niya kilala...

Napoleon Baleryano: Ipinanganak sa PGH alas tres ng Umaga Marso 26, 1982 ni Gng. Mercedes Baleryano. 7.6 libra...

Huminahon ang kalooban ni Ompong ng makita niya ang pangalan ng nanay niya sa birth certificate. Natawa siya sa kanyang sarili na magduda na tunay siyang anak ng nanay niya. Pagkalipas ng ilang sandali naalala niya ang kanyang panaginip ng makita ang isang billboard na may larawan ng lalaking bigotilyo. Madali niyang tinitigan ang birth certificate at halos madismaya ng mapansin niyang wala ang pangalan ng ama niya o ang naturingang ama nilang magkakapatid..

Friday, June 13, 2008

Ambon IIb - Ompong.

Patsuweeet..! Ang sipol ni Ompong sa humaharurut na taxi. Ehehehehehe..! Ang iling ng taxi sa biglang preno nito. Nilampasan sila sa lakas ng buwelo. Parang mapipigtis na ugat ang angil ng makina ng hiriting paatrasin ng diber ang taksi at ihinto sa harapan nila Ompong.

Mabilis at maginoong binuksan ni Ompong ang pintuan at abot kamay, inalalayan si Lolly na sumakay. "Driver, sa pinakamalapit na Metrobank," ang mando ni Ompong. "Opo Sir," ang sagot ng driber at sa ilang sandali ay nasa harapan na sila ng Metrobank,

Iyan ang plano na umiikot sa isipan ni Ompong: na ang taxi driver na ang bahalang humanap sa Metro Bank. Mabilis siyang umisip ng paraan, lalo na kung gipit. Subalit ng alokin niya si Lolly na sumakay ng taxi tinangihan siya nito. Understandable, naman, hinde ba? Kung ikaw si Lolita marahil di ka rin papayag dahil hinde mo pa naman talaga kilala si Ompong.

Teka nga muna, sino ba itong si Ompong? Itong si Napoleon Baleryano. Sino ba siya? May misteryong bumabalot sa buhay ni Ompong. Isa, wala siyang kamukha sa kanilang pamilya. Ibang-iba ang itsura niya sa kanilang lahat. Siya lang ang singkit, tsinito o chinito. Noong bata pa siya madalas siyang tuksuhin ng mga kapatid niya na napulot lang siya sa basurahan. Madalas din siyang lampasan ng kung ano-anong bagay na binibigay ng kanilang mga magulang sa kanilang magkakapatid.

Isang gabi, ng limang taon pa lang siya, nagising siyang umiiyak - napakalakas na iyak! Mahimbing ang tulog ng lahat at wari niya ay walang dadamay sa kanya ng sa labas ng kanyang moskitero ay may bigotehang mama na nakasilip sa kanya. Mapayapa ang tingin at may nakatagong ngiti. "Tahan na anak, tahan na," ang pahiwatig nito kay Ompong. Isa kayang panaginip ito? "Oo, Ompong isang panaginip iyan," ang sabi ng nanay niya.

Binabagabag siya ng ala-alang ito at ng magawi siya sa NSO(National Statistics Offie) isang araw, kinuha niya ang kanyang birth certificate upang alamin kung kanino talaga siya nangaling:

Ang haba ng pila! Pagdating sa bintana ng takilya, binigyan siya ng application form at sinabihan na sagotin ang mga tanong dun. Langya, halos isang oras para makakuha lang ng form! Pagkatapos i-fill up at isubmit ang form maghihintay ka ng ilang oras. Kung talagang suwerte ka o kung madalas kang tamaan ng kidlat, baka makuha mo sa araw ding yun. Pero, usually, hinde ganyan ang buhay ng bureaucracy, malamang sa ibang araw mo makukuha, at di lang yan, sa ibang opisina mo pa kukunin.

Hinde pa marunong manlangis si Ompong. Yung karag-karag na awto ng tatay niya kaya niyang langisan, pero ang makinang may isip ay di kasing dali. Kailangan ng kaunting ligaw, himas, at timing. It's an art in itself, ang sabi ng naka aalam.

Itutuloy...

_____________________

Sunday, May 11, 2008

Nagpakita ng di oras.

Isang araw, habang naglilinis ng garahe si Ompong, sa di inaasahang pagkakataon, nakita niya ang isang larawan na matagal niya ng hinahanap. Talaga naman ano, noong hinahanap niya ito(noong panahon ng sintimyento de patatas at gulpihin siya ni Pepang) di niya makita at ngayon na nawala na sa isip niya, e ayan nagprisinta ng di oras??? Parang application sa isang goberment opis na dumarating ang sagot pag di mo na kailangan. Hehehe.

Anyways, ayon nakaupo sa silya si L, hehehe. Si L. na naman. Nasa tuktuk ng beauty niya, niyahaha. Sa ala-ala ni Ompong, eighteen si L. sa litratong ito. Nakangiting nakakikiliti, hehehe. May kislap ang mga mata, nangungusap - Ompong, lika rito sa tabi ko - wow!

Mabilis pa sa alas kuwatro si Ompong ng biglang, sampal, wapy duda! Wha happen? ang tanong ng litong-litong Ompong. Walanghiya ka Ompong nananaginip ka na naman ng ibang chicks, ang galit na sisi at upakan siya ni Pepang.

Hehehe, joke only.

Friday, May 09, 2008

Tumatanda na ba?

Gani: Ano ba Ompong, kailan ka bibili ng bagong oto?

Ompong: Ewan ko ba, di ko makahiligang bumili. HInde tulad ng dati na every 3 years naiiksayt akong magpalit ng sasakyan - ewan ko ba?

Gani: Ompong, sa palagay ko tumatanda ka na. Ganyan ang tumatanda. Nawawalan o nagpapalit ang hilig.

Ompong: Walanghiya ka talaga. Akala mo kung sino kang saykasatrist kung magsalita. E ikaw nga itong mas luma ang oto, ikaw pa mabilis magsalita. O, ikaw kailan ka bibili ng bagong oto?

Gani: Hehehe, malapit na Ompong. Wala pa lang akong makursunadahan.

Ompong: O sige na nga. Bahala ka na diyan, pero ako hinde ko kailangan ng bagong oto. Okay na sa akin itong old reliable ko. Besides, 30,000 original miles lang milyahe nito. Isa pa, bakit ako aako ng $35,000 na gastosin samantalang wala na akong ala-ala dito sa sasakyan ko - bayad na!


Sa palagay mo may katotohanan ang salita ni Gani? Na, ang pagpalit ng hilig ay sintomas ng pagtanda ?




Saturday, March 15, 2008

Paalam Kuya.

Huli na kami. Nagmamadali na lang lagi. Naku naman!

About two days before, tumawag sa akin ang aking pamangkin, "Tito, Papa passed away yesterday. He was in a hospital for some time. He was just fading away and when they turned off his life support system, he just slipped away..." Nagulat ako dahil matagal ko ng hinde nababalitaan si Kuya L. Ang akala ko'y umuwi na siya sa Pinas.

Mabait siya sa akin at masaya siyang kasama. Hehehe, matinong tingnan dahil isa siyang Engineer, ngunit sa loob may kulo din siya. Siya ang lagi kong kasama ng bagong salta ako dito sa America. Kung saan-saan kami nakararating. And, as you might expect to hear, mahilig siya sa babae. Wala namang malisya, ano. Talaga lang naman na may mga lalaki na mahilig sa babae. Mahirap unawain ng iba, at kung ikaw ang damay ng kasong ganyan, malamang na maiinis ka rin, kung di mo ikagalit. But, what can you do? That is how the cookie crumbles! For me, okay lang siya.

Nagpi-picture taking ang mga tao pagdating namin sa funeral parlor. Akala mo e may party o kaya naman isang malaking reunion! Ang daming tao. Naghehelera sa harap ng kabaong, at nakangiti ang karamihan sa kanilang pagposing. May pro pang inarkila para kumuha ng video. Actually, hinde mo masiguru kung sino ang sino sa gulo. Wala akong nakilala kaagad at tihil leeg akong naghanap ng kilalang mukha.

Ayon, nagpupulong sa isang tabi ang mga pinsan ko. Madali akong lumapit at maligayang nakipagbatian. Naturally, pinakikiramdaman ko si Ate S, ang asawa ni Kuya L - kung nasaan siya, at parang di ako mapakali. Gusto ko ng matapos siyang batiin at sabihin ang aking pakikidamay. Hinde ko siya makita kaya lumapit na muna ako sa nakaburol kong pinsan. Ayon, ano pa e di nakahiga. May rosaryong nakapulupot sa kanyang kamay. Mataba siya at naka markana! Hmmm, di ko na nga matandaan kung ito ang unang pagkakataong makita kong naka kana si kuya! Anyway, nakapamburol ang kumag. Ano pa nga ba, hehehe.

Nasaan si Ate S, ang tanong ko. Wala rito, ang sagot sa akin. Ah, oo nga pala, may sakit din siya, at kung di pagiingatan e baka di oras na sumunod. So, how is she, ang tanong ko. Ay, masama ang loob niya kaya di dumalo. Hmmm, nadisimula kong may ibang halaga ang salitang narinig ko. Kung sabagay hanggan bukas pa naman ang burol, so maybe tomorrow narito si Ate S. Inalis ko na lang sa isip ko kahit nakahihinayang na di ako makapag condolence sa kanya dahil gusto ko si Ate S. Mabuti siyang tao.

So, nakipagbalitaan na muna ako: mga tsimis at kung ano-ano pang mga bagay na di ko na kailangang malaman pa. Pero ganyan ang pamilya, maraming naghahalong balita na kailangang alam mo ang totoo sa hinde. Kung alin ang kuwentong may patong at kung alin sa mga kuwento ang pinaltan ang ending.

Kulas, eto nga pala si Ate E, ang asawa ni Kuya L. Huh??? Oo, Kulas si Ate E ang kasalukuyang asawa ni Kuya L! Nampusa, kaya pala wala si Ate S e dahil ex na pala siya. Condolence E, ang bati ko. Mahalinang ngiti ang sinukli ni E sa akin. Kaunti pang small talk kami and then she had to attend to the other guests. Walanging! hinde ko alam na may bago pala si Kuya L., sa di sinasadyang pagbigkas ng salita ng isip ko. Oo, kulas at si E ang ika apat na asawa ni kuya L, ang patuloy ng pinsan ko. Actually, narito silang lahat puwera kay Ate S. Correction, narito kanina si Ate S, pero hinde si Ate na alam mong Ate S. S din ang pangalan ng third wife ni kuya L.

Kinawayan ng pinsan ko ang isang mistisahing babae sa kabilang panig ng silid. Madali itong lumapit at nagpakilalang unang asawa ni Kuya L. Seventeen daw siya ng mag asawa sila at may isang anak, si C, na kusang pumarito sa Amerika upang hanapin ang kanyang ama, si Kuya L.

Pinagmasadan ko si C. Oo nga kamukha siya ni Kuya L. Hinde mapagkakaila. Siempre pahug, hug kami. The usual greeting ng long lost relative, except in this case we know that we will not see each other again.

Mahirap paniwalaan, ngunit para sa isang luksa they all seem happy! Mga bata batuta raging from, maybe, high school age to having families of their own. They are all related through the same father, all from four different mothers. I can only imagine the kind of life some of the kids went through. Example na si C. Biro mo hinanap niya talaga ang tatay niya and she had little or no resentment towards him. She was happy to see him and felt lucky to have done so when he was still alive. What irony! Sa paglipas ni Kuya L nabuhay ang kanyang pamilya. All separate and yet one.

Napangiti ako ng huli akong magpaalam sa bangkay ni Kuya L. Parang kailan lang ng mag long distance driving kami papuntang Washington D.C. Parang kailan lang ng makipagparty kami tuwing Weekend. Isang araw lagi kaming magkasama. Ngayon wala na siya. Hindi namin namalayan ang mabilis na paglipas ng panahon sa bawat araw na di kami nagkita. Naipon na lingo, buwan at taon, hanggan sa mawalan ng kahulugan ang bilang nito. Wala man lang akong ideya sa misteryo ng kanyang buhay.

Kuya L, sana maging mapayapa ang huli mong pamamahinga, kung saan ka man mapunta. Kung ayaw mo ng tahimik o maaboridong pahinga, sana kung ano man ang gusto mo e makuha o ibigay sa iyo. Kuya, have a wonderful time.

Paalam Kuya.

Sunday, February 24, 2008

Clueless Kuno...

Can you trust this used car saleswoman?

Update: Umamin sa NBN/ZTE, pero helpless kuno siya... until nabuking. Now, ipaimbistiga kuno niya lahat, minus the Arroyo family. Siempre, ah! Ano pa?

Na pickup ko lang ang picture sa website na ito.

Tuesday, January 15, 2008

Wednesday, January 02, 2008

2007-2008

So, what happened to you in 2007?

For me hinde malaking kaibahan sa 2006. Of course, one year older, one year wiser, one year richer, if not in the pocket in experience.

Outlook for 2008: to stay healthy, to maintain a positive attitude, to be less cynical and forgiving of certain people. To be content and happy.

2007 milestones: Stopped Smoking, Stopped Smoking, Stopped Smoking!