Monday, December 22, 2008

Pamaskong Ala-ala.

Dahil laging nasa trabaho si tatay namin at nasa majongan naman si nanay namin, si ate ang bossing sa bahay. “Kulas isulat mo ang gusto mong ipasko sa iyo ni Santa Klaws. Ilalagay mo yan sa Krismas stockings mo at pagdaan ni Santa Klaws iiwan niya ang gusto mo.” Ito ang mando ni Ate sa akin, bispiras ng pasko. Nakasisindak si Ate kung minsan. Akala mo e laging may pahabol na batok ang salita - Hehehe. Pero ganoon pa man alam kong asikaso niya kami.

Anyways, sunod ako kaagad. Ito ang hiling ko kay Santa Klaws: Hopalong Cassidy pistols, Gummy Bears candies, at Nestle chocolate bars. Sinulat ko ito sa kapirasong papel, maingat na nirolyo na parang bala ng tirador at ibinigay kay Ate. “O sige Kulas, matulog ka na! Pag-gising mo bukas ng umaga nandiyan na iyan, kung mabait ka.”

Hinde pa man ako inaantok, sumulong na ako sa kama. Hehehe, mahirap na, baka Santa Klaws is watching. Baka sabihin pang di ako good boy e mapurnada pa ang hiling ko. Ayon ako, nakatitig sa kesame at nangangarap sa hiling ko. Nagbabaril-barilan kami sa silong. Patay silang lahat sa akin dahil asintado ako. Tapos, kakain kami ng kendy hanggan sumakit ang tiyan namin.

“Kulas, gising na. Pasko na!” Narinig ko ang boses ni nanay. Amoy ko ang halimuyak ng hamong-intsik at rinig ko ang rikit ng piniritong itlog. Tulad ng mga nakaraang Pasko, tiyak na may ensaymada at empanadang galing pa ng Batangas. Oo, may malapot na tsokolate. Mabilis akong bumagon at dumiretsyo sa sala upang i-check ang Hopalong Cassidy na baril-barilan ko. Ayon, nakasabit sa pader, katabi ng Pamaskong medyas na bumubukol sa puno ng kendy na hiling ko. Wow, ito na yata ang pinaka-Paskong Pasko ko. Lahat ng hiling ko ay ibinigay!

Sana... Oo, sa panaginip! Yung handang pagkain ay hinde panaginip. Yung baril-barilan at kendi ang hilaw. Mayroong baril-barilan, ngunit hinde Hopalong Cassidy - more like gawa sa palo-tsinang kahoy. At yung Gummy Bears at tsokolate ay lemon drop na galing sa tindahan ni Pablo na tingi ang bentahan.

Nagtatanong ang tingin ko kay Ate - ano ang nangyari sa baril kong Hopalong Cassidy? Walang salitang bumitiw sa aming dalawa, datapwat saglit na nagunawaan ang aming isip... Tinutok ko ang palo-tsina kong baril-barilan sa aking paligid at mabilis na pinakawalan ang ilang putok : Bang, bang, bang!

Napangiti si Ate.

Merry Christmas
and a
Happy New Year!


4 comments:

  1. katuwa naman si Ate mo...teka tanong ko ilang taon ate mo nun at ilang taon ka? parang responsableng responsableng ate sya ha dinaig pa mga magulang mo lol!

    ReplyDelete
  2. Melai, di ko na matandaan kung ilan taon kami noon. Malaki ang respeto at pagmamahal namin kay Ate hanggan sa paglaki namin.

    Wala siyang paltos magpadala ng regalo sa amin tuwing Pasko, kahit maliit na bagay lang. Miss namin si Ate!

    ReplyDelete
  3. I see.. ako kasi ate sa amin pero hindi ako katulad ng ate mo :)

    ReplyDelete
  4. Happy New Year Kulas!

    sa ibang blog(nov ang date) ako nag comment at bumati dahil I googled tapos yun ang unang lumabas.



    Sana matandaan mo pa ako,

    Karl

    ReplyDelete