Monday, June 29, 2009

Ang Palabok ni Claring.

Pinay na pinay ang kanyang tayo. May kaunting bahid ng tisay dahil sa ilong niya na medyo matangos. Wala siyang bahid ng Intsik. Bilog ang kanyang mga mata at tunay na kayumangi ang kanyang balat. Sa wari ko 5'2" - 5'4" ang taas niya at medyo may kalusugan ang katawan(masarap bagang pisilin.)

Hinde ko na masiguro ang pangalan niya, ngunit sa aking ala-ala bagay na bagay ang pangalang Clarita sa kanya. Tawagin na lang natin siyang Claring, ang kusinera ng dati kong paboritong karinderia.

May neckerchief siya ng una kong makita. Naka ponytail ang kumikislak niyang maitim na buhok. Umiilag ang kanyang tingin sa akin ng alukin niya ako ng gusto kong pagkaini. "Ano po ang order niyo, sir," ang bati niya. Hindi ako nag aksaya ng panahon, "may palabok ba kayo?" ang tanong ko. "Igagawa ko po kayo, sir," ang sagot niya.

Saka ko pa lang nasuma na siya pala ang kusinera sa sagot niyang iyon. Actually, para sa akin, hinde naman siya mukhang kusinera sa gayak niya(medyo over dressed sa tingin ko) para sa isang kusinera.

"Masarap ba?" ang tanong ko. (Alam niyo, paminsan-minsan may pagka-engot itong si Kulas kung magsalita. Ano ba namang tanong yan sa isang kusinera - "Masarap ba," asus.) Anyway, ngumiti siya sa akin at matuksong sumagot,"sasarapan ko po, sir." Hehehe, nadiyahe si Kulas sa sagot na iyon at mabilis na sumukli ng pinaka-simpatikong ngiti na makakayanan niya.

Nasa lasa ang katibayan.
Kakaiba ang palabok ni Claring. Ang hilaw na itlog sa ibabaw ang una kong napansin. Bihon ang pancit niyang ginamit sa halip na tunay na pampalabok. Hindi masabaw ng luto niya at tama lang ang sahog. May kaunti pang tinapa sa tabi imbis na bacon na ginagamit ng karamihang karindirya dito.

Nanatili si Claring sa tabi ko habang hinahalo ko ang palabok. "Gusto po ba ninyong pigaan ko ng kamasi, sir," ang alok niya. Dumikit ang balakang niya sa braso ko at naamoy ko ang sabon niyang ginamit sa pagligo. Wala siyang iba pang pabangong gamit, ang sumaisip ko. Ramdam ko ang himig ng kanyang pag-hinga habang pinagmamasdan niya ako (imagination ko lang kaya iyon?) Kung saan na patungo ang isip ko ng, "hoy, ano ba? Pakainin mo na ako!" ang angal ng nag-iingay kong tiyan.

Si Claring o ang palabok.
May kasabihan na sa tiyan ang daan papunta sa puso ng isang lalaki. May katotohanan kaya ito? Dumalas ang dalaw ko sa karindirya ni Claring. Lagi na lang palabok ang order ko, at kung wala si Claring, hindi na ako omo-order - saka na lang ika ko.

Ang sabi ng kaibigan ko, masarap daw ang palabok ni Claring, puwera yung hilaw na itlog. Para sa kanya, hard boil daw ang mas maigi (itlog na maalat pa nga daw, kung maari.) Kaya, tanong niya: si Claring ba o ang palabok?

Aba, kung wala si Claring e wala rin ng palabok, hindi ba?

Dito siya nagsimula.

Thursday, June 18, 2009

Si Henry.

Ang tatay ni Henry ay Amerikano at ang nanay niya ay Pinay. Para sa mga batang tulad ko, mamisteryo ang malaki at maputlang tatay niya na laging naka sunglasses - akala ko nga e piloto. Sa totoo lang di ko alam kung ano ang trabaho nun at hindi naman nababangit ni Henry. Pansin ko lang na tuwing umuwi ang tatay niya sa bahay nila, may kung ano-anong pasalubong ito. Wow, ang isip ko, napakasuwerte naman ni Henry, lagi na lang may surpresa mula sa tatay niya, samantalang itong tatay ko pang arkila lang ng bisekleta pahinog muna ako bago bigyan. Talagang mahal siya ng daddy niya!

Isang araw nakita ko na umiiyak si Henry. Akala ko e nakipagaway. "Henry, bakit, ano ang nangyari?" ang tanong ko. Galit na binalabag ni Henry ang bisikleta niya sa lupa. "Ayoko na ng bisikletang ito!" ang sikad niya. "Bakit?" ika ko.

Lumuluha si Henry habang nagsasalita,"Kinausap ako ng daddy ko, Kulas. Sabi niya, Henry, lahat ng bagay na ibinigay ko sa iyo ay galing sa sariling pera mo na isininubi ko para sa iyo. Henry, dapat alagaan mo ang mga bagay na ito dahil uuwi ako sa Amerika."

Wapelo! Wala akong nasabi, ngunit nakapagtataka? E, bakit naman uuwi sa Amerika yun na di sila kasamang mag-ina? Hindi ko na naitanong upang malinawan ang sinabi ni Henry dahil madali siyang tumayo at bilis-bilisang nagbisikletang humaripas papunta kung saan.

Ok, ok, siempre naman, ingles ang salita nung markanong mama, pero tagalog ang pag- kuwento ni Henry. Ok, ok, dahil hindi naman magaling mag-ingles si Henry noon, marahil, ineksplain ng nanay niya ang sinabi ng tatay niya. Ok...

Marahil may di pankaraniwang dahilan ang pag-uwi o pagbalik sa US ng tatay ni Henry. Maari din na may kinalaman sa relasyon ng mga magulang niya. Ngayon isipin, hindi nga pala ma-susyal ang ina niya tulad ng mga nanay naming mga makakalaro.

Bakit nagalit si Henry? Malamang dahil ito sa pag-uwi nga tatay niya. O baka naman dahil permanente ang paalam sa kanya. May iba pa sigurong dahilan, pero, ano malay ko noon? Totoy lang si Kulas, walang karanasan sa mga bagay-bagay na opisyo ng mga matatanda.

Anyway, matagal kaming di nagkita ni Henry mula noon. Para bang umiiwas siya sa aming barkad. Hinde ko na nalinawan kung ano ang nangyari. Nalaman ko na lang isang araw na huminto na siyang mag-aral(sa pribado pang paaralan pumapasok si Henry) at nagtatrabaho na siya kung saan.

Maagang nag asawa si Henry at ang mga expectations sa kanya, mula sa impression sa kanya noong bata pa kami as in the most likely to succeed, ay hindi nangyari.

Nga naman, maaga siyang pinalayaw ng kung ano-anong bagay na wari ko ay pakita ng pagmamahal. Itong tatay ko, manilaw-nilaw na ang puting kameseta ko bago mabigyan ng ilang piso na pang-sine, kahit na ng gugulpe, e matatag naman na lagi nandiyang umuuwi.

Saan ka pa?

Tuesday, June 09, 2009

Sausage!

Tuwing tag-init maraming pakulong pista-pistahan dito sa New York. Sa kinadami ng ibat-ibang lahing naninirahan dito, talaga namang sari-sari ang dahilan ng pagdiriwang. Ang talagang dinadayo sa mga kapistahang ito ay ang ethnic na pagkain.

Naala-ala ko isang nakatatawang pangyayari sa isang Pilipinong kainan sa Manhattan:

Iilan-ilan lamang ang mesa ng maliit na restawran. Dalawa lamang ang waiter at abalang abala sila pareho. Anyway, naroroon kami at naghihintay na masilbihan. Sa wari ko, iniiwasan kaming masulyapan ng waiter dahil sa gulo ng paligid. Hehehe, hindi ba ganyan sa karamihan ng restawran, parang ayaw matawag ng pansin ang mga waiter? Paroon at parito silang dalawa, timbang sa nakataas nilang kamay ang serving tray na puno ng inorder na pagkain. Nakapanglalaway ang halimuyak nito lalo na ang sinigang at kung ano pang putahe na umuusok pa sa init.

Pasok ang isang pamilyang Amerikano. Mukhang out-of-towners ang mga ito. Naka short cargo pants yung mama at teenager niyang anak na lalaki. Yung asawa niya at anak na babaeng teeny bopper ay naka-tanktops at sandals. Blond silang lahat at mukhang pagod sa kalalakad at init ng panahon.

Taas leeg silang sumisilip sa bawat pagkain na dumadaan sa kanilang mesa. Medyo kumikisay ang kanilang ilong sa nakahahalina at nakalalaway na amoy ng pagkain, lalo ng yung sinigang.

Masigasig na pinag-aaralan nung tatay ang menu. Kamut ulo ito dahil wala namang explanation yung entrees dahil pinoy lang naman ang madalas sa resto na ito at yung mga taga New York naman ay may experience na sa dish pinoy. Anyway, nahihirapan yung mama ng kunin ang pansin nung waiter. Ilang beses niyhang kinawayan na walang bisa. Sa wakas, lumapit din yung waiter. He, he, he, bading pala itong waiter at medyo masama na ang timpla. Malamang dahil sa dami ng tao o ano pa mang dahil:

Waiter: Yes?????

Kano: Uhmmmm, this entry here... Sausage...

Waiter: Yessss?????

Kano: Uhmmmm, what kind of sausage is this?

Waiter, medyo nagtataka sa tanong nung Kano: What do you mean, what kind of sausage is this?

Kano, nag-aalala na hindi naunawaan ang tanong niya, tinuro ang entry sa menu: Yes, this, what kind of sausage is this???

Waiter, may attutude at nakapamaywang pa (bading na bading style): What kind of sausage? That is good sausage, delicious sausage!

Kano, naduro na at ayaw magkaroon ng scene: Oh, I see...???

Waiter, parang naiinis at ayaw ng maabala. Nagpapadinig: Hmmm, there are so many customers...

Kano, just one question: This sausage. Does it have sauce?

Waiter, parang asungot: Of course, it has sauce! That is why it is called sausage - SAUCE, SAUSage.

Hehehe.