Monday, March 09, 2009

Ang tilaok ng Uwak.

“Huwag mo ng pakawalan 'yan – paputukan mo na agad! “ Walanging, ke drama, ano? Gayun pa man, iyan ang sigaw ng mga kasama ko isang araw sa mabunduking niyogan ng probinsya ni inay. Doon kaming magkakapatid lagi nagbabakasyon tuwing tag-init. Nasa elementary school pa lamang ako nun at pasabit-sabit sa lakaran. Ngunit sa pagkakataong ito, ako ang may hawak ng de bombang perdegones na baril.

Crack! ang putok ng baril. Parang mga dice na kumarambola sa beto-beto ang mga ibon sa gulat. Yung pinaka malaki na inasinta ko ay gumulong at parang manok na pinugutan ng ulo: Kumisay-kisay ng walang pasubalit. Tumangkang lumipad muli, paparoon, paparito, at sa huli, agaw hinga na sumuko.

Sa kubo ni Otik ang aming pinuntahan – doon namin ito lulutuin. Mabilis kaming bumaba ng bundok. Dumaan sa baybay dagat ng mapansin kami ng isang mangingisdang pauwi galing sa laot, “Ano yang dala-dala ninyo?” ang tanong niya. "Wala po... Ibong Uwak na nabaril namin, " ang sagot namin habang bilis-bilisan ang paiwas naming lakad.

"Otik, lutuin mo itong ibon na-hunting namin. Iluto mo sa gata, tulad ng luto mo noon pista," ang sabi namin. Ininspeksyon ni Otik ang ibon at nakangiting nagtanong, “Ano bang klaseng ibon ito?” "Uwak," ang sabay-sabay namin sagot. “Wow, ang laking Uwak nito ha,” ang nakatutuyang kumento niya.

Ayon, habang nag-init siya ng tubig kumayod siya ng niyog at piniga ang katas nito. Inalisan niya ng balahibo ang ibon, pinira-piraso at niluto sa isang luma at maitim na frying pan. Wah, ang sarap ng amoy. Ng maluto ito, naglabas siya ng tuba. Kumain at naginuman yung medyo me idad na. Ako, kumain din at tumikim-tikim lang ng tuba.

Kuntento na kami. Busog na! "Mapupula na ang hasang," sa salita ng pinsan ko.

Ng kamustahin ni tio ang nangyari sa araw namin ng hapunan, walang nagbangit ng sapalaran namin. Alam ni tio na nag-hunting kami. Sa katunayan, ito ang dahilan kung bakit hindi kami sumunod sa payo niya na pag-aralan ang mga gawain sa bukid. At dahil naroroon si Inay, hindi ni Tio magawang itulak ang programa niya sa amin. Hindi na tinuloy ni tio ang usapan sa hunting namin, datapwat may paramdam siyang may alam siya ukol dito.

Kinalimutan na namin iyon hanggat makita ko kinaumagahan na kausap ni Tiong ang mangingisdang bumati sa amin sa baybay dagat kahapon. Hindi ko marinig ang kanilang pinaguusapan. Saka ko lang nalaman na nagsumbong pala kay tiong ang mangingisda sa nawawala niyang manok -- Ang tumitilaok naming uwak!

2 comments:

  1. Nyek! Ibon pala na hindi lumilipad ang binaril nyo kaya napakalaking uwak...hehehe.

    ReplyDelete
  2. Ann, kaya nga taste like chicken ang sabi. ;)

    ReplyDelete