Sunday, March 29, 2009

Pagsubok.

Aywan ko kung maniniwala kayo sa story na ito. Ako mismo na pinangyarihan nito ay hirap na paniwalaan:

Pagbalik ni Kulasa galing Europe marami siyang dalang crucifix mulas sa Portugal at Spain. Ilan sa mga ito ay ukol kay St. Benedict na sabi niya ay tapagtangol o laban sa maligno. "Blessed na iyan," ang sabi niya. "Ihahanap kita ng neck chain para diyan para masuot mo araw-araw, "ang pangako niya sa akin.

Si Kulas naman ay hindi mapaniwalain sa mga bagay-bagay ng maligno. Kahit na sa ala-ala niya ay ilang beses na siyang pinakitaan ng multo noong paslit siya. Ngunit sa idad niyang ito ay mahirap na sadyaing isipin na nangyari nga. Anyway, ng pumanaw ang nanay ni Kulas, lagi siyang bagabag. Hindi niya masiguro kung bakit, ngunit lagi siyang nakararamdam ng pangi-ngilabot. Ang sabi ng mga mahilig sa lagimgim, malapit daw si Kulas sa mundo ng anino. Shiiiit! ika ko.

Baka naman may bilin sa iyo o kaya naman ay may gustong ipaalam, ang tanong ni Kulas sa kanyang sarili. Tangna, bakit hindi na lang magpakita ng harapan para tapos na, diba? Balisa si Kulas sa pagtulog sa mga dumaang gabi. Hindi niya magawang humigang nakatagilid sa kanang tabi dahil may nararamdamang siyang ihip ng hanging sa kaliwa niyang tainga - parang may mukhang nakatutuk sa kanyang pisngi. Kaya, ng ulitin ni Kulasa na sasangahan siya ni St. Benedict sa mga damdaming ito, hindi na siya tumangi - Ginamit na niya ang kuwintas. Mahusay ang tulog ni Kulas ng gabing iyon. Ganoon din sa mga sumunod gabi.

Lagi ng suot ni Kulas ang kuwintas kahit saan siya pumunta. Isang hapon pagka-galing niya sa isang department store, napansin niyang nawala ang krus sa kuwitas niya. Marahil napigtas ito? Ngunit, wala naman siyang napansin. Napigtas kaya ito ng magsukat siya ng damit? Bumalik siya sa department store at nagtanong sa mga sales clerk kung may nakita silang krus. Wala po, ang sabi nila. Nagpunta siya sa customer service at nagtanong doon - wala rin. "Hayaan niyo sir, babantayan namin at pag may sumuko nito sa amin ay ipaalam namin sa inyo," ang pangako nila.

Naku, paano na ito ang isip ni Kulas. Tinrays ni Kulas ang kanyang dinaan. Nagdala pa nga siya ng flashlight at ginamit ito sa kalye sa pag-sakali na makita niya ito. Ng dumilim ng husto, umuwi na lang si Kulas. Iniisip niyang baka mas suwertehin siya kunabukasan.

Hindi niya maalis ito sa kanyang isipan at buntunghiniga siyang bumagsak sa upuan. "Haaay naku naman, bakit naman ganito. Sobra...!

Paglipas na ilan pang sandali, naihi si Kulas. Tuloy pa rin ang himutok ng kumag ng humarap siya sa inudoro. Inilabas niya si Pedro para magdilig. Oops, ang gulat ni Kulas ng may tumurok sa tumbong niya. Ano ba ito??? Hindi siya makapaniwala ng matuklasan niyang ang hinahanap niyang krus ang tumumbok sa kanya! Talaga namang nakapagtataka at naroroon ang krus. Nasa loob ng karsunsilyo niya!

Walanging, papaano napunta yun dun?

Ang sabi ni Kulasa, pinaglalaruan daw si Kulas? O kaya naman e natutuwa daw sa kanya at sinusubukan kung may malasakit siya sa gamit niyang icon... Pagsubok daw.

Sunday, March 15, 2009

Keep an eye...

Nag attend kami ni Kulasa ng isang workshop. Babae ang karamihan ng naroroon. Actually, sa grupo namin ako lang ang lalaki. "Huwag kang tense, just be yourself," ang payo ni Kulasa. Marahil napansin niyang medyo tiklop ako dahil sa halos walang tigil na usapan ng mga katabi ko.

So, siguro to make me feel at home, kinausap ako ng mga katabi ko. Small talk, halimbawa, kung ano ang palagay ko sa ganito at ganyang bagay, you know... Anyway, naisip ko na I might as well make the best of the situation so, nakipag kuwentuhan na rin ako.

Halakhakan ang mga tsikas sa mga joke ko. He, he, he, naala-ala ko tuloy yung napaka saya at care free days ng high school at college days ko - Napaka saya. Ganun yun, e.

Ang grupo namin ang pinaka maingay sa workshop. Mabuti na lang kamo at understanding yung in-charge sa workshop. Tutal, libangan lang naman talaga yung worshop. Pampalipas ng panahon!

Nag enjoy na rin si Kulas. Parang barkada kasi ang init ng usapan. Natural ang isat-isa. kaya masaya ang pakiramdam ni Kulas ng nagpaalaman na. Isang bagay lang ang hindi niya naintindihan, o kaya naman e pinagtakahan ng marinig niyang sabihin ng mga babae kay Kulasa na bantayan niya si Kulas.

"Keep an eye on him," ang sabi nila kay Kulasa. Ano kaya ang ibig nilang sabihin noon?

Wednesday, March 11, 2009

Pinas today, according to Goring.

90% ng mababasa mo sa diaryo ay hindi mo mapaniniwalaan. Ang naka advertise lang na palabas sa sine ang totoo.

Kahit na anong bagay sa Pilipinas ay maari. Walang imposible. Lahat ng bagay mabibili mo.

Walang kapatid, pamangkin, anak o ano pa mang relasyon na may halaga kapag pera ang pinag-uusapan.

Masarap ang buhay sa Pilipinas. 60 - 70,000 pesos kada buwan, masaya ka na.

120 pesos a day sa pagkain. Approx. 35 pesos kada ulam, sa akin ang kanin. Okay na.

Kailangan may kotse ka rito. Di kailangan na bago, basta't may sasakyan ka. Pangit naman yung galing ka abroad tapos naglalakad o sumasakay ka ng dyip. Nagmumukha kang kawawa.

Iba ang may kasama sa bahay. Masaya ang buhay, kung may nagsasabi sa iyo ng: Kamusta ang araw mo? Kumain ka na ba? Pawisan ka, magpalit ka ng damit.

Masarap ang may kasiping at matulog ng nakahubad.

Hindi ako gumagawa ng appointment. Sa bawat sandali may nagte-text sa akin: Nag-aanyaya, nagsasamo o kaya naman e may pangangailangan. Kailangan alagaan mo sila para mahalin ka nila.

Lahat ng lalaki sa Pilipinas ay may querida. Sino ba naman ang ayaw ng kasiyahan? Iba ang asawa...

Ibinigay ko na sa asawa at mga anak ko ang bahay at apartment bldg. ko sa US. Alam ng asawa ko na hindi ako masaya sa America. Hindi na niya ako pinakikialaman at gayun din ako sa kanya.

Monday, March 09, 2009

Ang tilaok ng Uwak.

“Huwag mo ng pakawalan 'yan – paputukan mo na agad! “ Walanging, ke drama, ano? Gayun pa man, iyan ang sigaw ng mga kasama ko isang araw sa mabunduking niyogan ng probinsya ni inay. Doon kaming magkakapatid lagi nagbabakasyon tuwing tag-init. Nasa elementary school pa lamang ako nun at pasabit-sabit sa lakaran. Ngunit sa pagkakataong ito, ako ang may hawak ng de bombang perdegones na baril.

Crack! ang putok ng baril. Parang mga dice na kumarambola sa beto-beto ang mga ibon sa gulat. Yung pinaka malaki na inasinta ko ay gumulong at parang manok na pinugutan ng ulo: Kumisay-kisay ng walang pasubalit. Tumangkang lumipad muli, paparoon, paparito, at sa huli, agaw hinga na sumuko.

Sa kubo ni Otik ang aming pinuntahan – doon namin ito lulutuin. Mabilis kaming bumaba ng bundok. Dumaan sa baybay dagat ng mapansin kami ng isang mangingisdang pauwi galing sa laot, “Ano yang dala-dala ninyo?” ang tanong niya. "Wala po... Ibong Uwak na nabaril namin, " ang sagot namin habang bilis-bilisan ang paiwas naming lakad.

"Otik, lutuin mo itong ibon na-hunting namin. Iluto mo sa gata, tulad ng luto mo noon pista," ang sabi namin. Ininspeksyon ni Otik ang ibon at nakangiting nagtanong, “Ano bang klaseng ibon ito?” "Uwak," ang sabay-sabay namin sagot. “Wow, ang laking Uwak nito ha,” ang nakatutuyang kumento niya.

Ayon, habang nag-init siya ng tubig kumayod siya ng niyog at piniga ang katas nito. Inalisan niya ng balahibo ang ibon, pinira-piraso at niluto sa isang luma at maitim na frying pan. Wah, ang sarap ng amoy. Ng maluto ito, naglabas siya ng tuba. Kumain at naginuman yung medyo me idad na. Ako, kumain din at tumikim-tikim lang ng tuba.

Kuntento na kami. Busog na! "Mapupula na ang hasang," sa salita ng pinsan ko.

Ng kamustahin ni tio ang nangyari sa araw namin ng hapunan, walang nagbangit ng sapalaran namin. Alam ni tio na nag-hunting kami. Sa katunayan, ito ang dahilan kung bakit hindi kami sumunod sa payo niya na pag-aralan ang mga gawain sa bukid. At dahil naroroon si Inay, hindi ni Tio magawang itulak ang programa niya sa amin. Hindi na tinuloy ni tio ang usapan sa hunting namin, datapwat may paramdam siyang may alam siya ukol dito.

Kinalimutan na namin iyon hanggat makita ko kinaumagahan na kausap ni Tiong ang mangingisdang bumati sa amin sa baybay dagat kahapon. Hindi ko marinig ang kanilang pinaguusapan. Saka ko lang nalaman na nagsumbong pala kay tiong ang mangingisda sa nawawala niyang manok -- Ang tumitilaok naming uwak!