Tuesday, December 23, 2008

Pamasko ni Tatang..

Nagpasimulang magpadala ng pamasko sa amin si tatang pagpatong niya ng edad fifty-five. Pareho-pareho at praktikal ang regalo niya sa aming lahat: kubyertos, hamon, o ano mang bagay na pambahay. Walang personal touch.

Medyo nakapag-tataka, kung hinde nakatatawa dahil hinde naman talaga nagpapadala si tatang ng kahit ano - Regalo pa? Sa totoo lang, lagging nakasimangot yun kapag nilalapitan mo sa umaga(lalo na noong nasa high school ako). Akala mo e laging hihingian ng pera. Hehehe, gayun pa man, e kanino pa ba naman kami lalapit?

May kutob ako na itong padala-dala ng regalo sa amin ni tatang ay dahil sa gulo nila ni nanang. Nagbabanta kasi si nanang ng divorce! Wala naman sa Pinas niyan, diba? So, legal separation kung sa atin? Mabuti pa nga siguro na huwag na lang silang magsama. Tutal, sumbatan lang naman ang dating nila. Iyan e kung mag-uusap silang dalawa. Ang kaso e ayaw ng magsalita ni tatang dahil puro sisi lang inaabot niya. So, mabuti pang tumiklop at magpangamuyo na lang siya. Nakapupundi naman talaga si nanang, kung maririnig mo. Puro na lang salungat sa kuro ni tatang kahit sa anong bagay. Halimbawa, kapag sinabi ni tatang na puti, sasabihin ni nanang na itim. Kung sabihin ni tatang na mataas, sasabihin ni nanang na mababa. Gets mo? Ito na yata ang tinatawag na "a woman's scorn."

Teka, teka, medyo na-distrak ako. Iba iyang istorya ni nanang at tatang, although may kinalaman ito sa post ko ngayon.

Naniniwala ka ba sa kasabihang, "It's never too late?" Na maihahabol sa tambol mayor ang ano mang bagay? Siyempre, as always di lahat, pero I'm sure na sa pagbabago ng ugali - It's never too late!

Tulad ng nabangit ko sa simula, hinde type ni tatang ang nagbibigay ng regalo. Sa tanang buhay kong nasa ilalim ng bubong ni tatang wala akong natangap na regalo sa kanya. Sure, pagdating ng Pasko ay may pamasko, pero di ko masasabing galing sa kanya personally, na siya ang mismong bumili o pumili para sa akin. Sa totoo lang, wala siyang interes sa mga bagay na iyan. Dinidisponer niya ang gawaing ito sa iba. I bet na hinde niya alam kung anong regalo ang pamasko ko. To be sure, hinde ko hinahatulan na masama o mabuti ito. At doon sa nga magsasabi na pinalaki niya ako o siya nagsustento sa akin of ano pa man diyan, tungkulin ng magulang iyan, bukod sa tungkulin ang damay dito. Basta't ganoon lang talaga ang sitwasyon.

So, nagpasimulang magpadala na ng regalo si tatang tuwing Pasko. Okay yun, kaya lang hanggan doon na lang yun. Wala na ng kamustahan, tawagan sa telepono, e-mail o snail-mail man lang. Yun lang ang contact namin. Pagdating ng Pasko exchange gift kami, that's it. Marahil he tried? Kaya lang kung hinde mo alam kung papaano magpakita ng nasa loob mo sa isang tao, mahirap gawain. Isa pa, hinde marunong mag small talk si tatang, isang bagay na namana ko sa kanya. Kaya pareho na kami na walang mapagusapan. Sa huli, nagsawa din ng kakapadala. Hinde naman siguro niya na appreciate ang mga regalo ko, kahit na mamahalin. Kaya dumalang ito hanggan tumigil na rin.

Naroon ako sa mga huling oras niya. Hinde na makapag salita dahil naka oxygen mask, pero alam ko sa kanyang mga mata na matalas pa ang kanyang isip. Naramdaman ko ang ngiti niya ng makita niya ako. Pansin ko na naroroon pa ang lisik ng kanyang mga tingin. Pumanaw siya ng madaling araw, kinabukasan ng pag dalaw ko.

Ng pumunta ako sa bahay niya nakita ko sa kanyang closet ang mga pamaskong regalo na natangap niya sa mga taong lumipas. Nakabalot pa. Palagay ko, sinubukan niyang mapalapit sa amin. Oo, he tried. And, he picked the right time to do it - tuwing Pasko. Hinde lang natulak ng maigi ang pamasko ni tatang.

Monday, December 22, 2008

Pamaskong Ala-ala.

Dahil laging nasa trabaho si tatay namin at nasa majongan naman si nanay namin, si ate ang bossing sa bahay. “Kulas isulat mo ang gusto mong ipasko sa iyo ni Santa Klaws. Ilalagay mo yan sa Krismas stockings mo at pagdaan ni Santa Klaws iiwan niya ang gusto mo.” Ito ang mando ni Ate sa akin, bispiras ng pasko. Nakasisindak si Ate kung minsan. Akala mo e laging may pahabol na batok ang salita - Hehehe. Pero ganoon pa man alam kong asikaso niya kami.

Anyways, sunod ako kaagad. Ito ang hiling ko kay Santa Klaws: Hopalong Cassidy pistols, Gummy Bears candies, at Nestle chocolate bars. Sinulat ko ito sa kapirasong papel, maingat na nirolyo na parang bala ng tirador at ibinigay kay Ate. “O sige Kulas, matulog ka na! Pag-gising mo bukas ng umaga nandiyan na iyan, kung mabait ka.”

Hinde pa man ako inaantok, sumulong na ako sa kama. Hehehe, mahirap na, baka Santa Klaws is watching. Baka sabihin pang di ako good boy e mapurnada pa ang hiling ko. Ayon ako, nakatitig sa kesame at nangangarap sa hiling ko. Nagbabaril-barilan kami sa silong. Patay silang lahat sa akin dahil asintado ako. Tapos, kakain kami ng kendy hanggan sumakit ang tiyan namin.

“Kulas, gising na. Pasko na!” Narinig ko ang boses ni nanay. Amoy ko ang halimuyak ng hamong-intsik at rinig ko ang rikit ng piniritong itlog. Tulad ng mga nakaraang Pasko, tiyak na may ensaymada at empanadang galing pa ng Batangas. Oo, may malapot na tsokolate. Mabilis akong bumagon at dumiretsyo sa sala upang i-check ang Hopalong Cassidy na baril-barilan ko. Ayon, nakasabit sa pader, katabi ng Pamaskong medyas na bumubukol sa puno ng kendy na hiling ko. Wow, ito na yata ang pinaka-Paskong Pasko ko. Lahat ng hiling ko ay ibinigay!

Sana... Oo, sa panaginip! Yung handang pagkain ay hinde panaginip. Yung baril-barilan at kendi ang hilaw. Mayroong baril-barilan, ngunit hinde Hopalong Cassidy - more like gawa sa palo-tsinang kahoy. At yung Gummy Bears at tsokolate ay lemon drop na galing sa tindahan ni Pablo na tingi ang bentahan.

Nagtatanong ang tingin ko kay Ate - ano ang nangyari sa baril kong Hopalong Cassidy? Walang salitang bumitiw sa aming dalawa, datapwat saglit na nagunawaan ang aming isip... Tinutok ko ang palo-tsina kong baril-barilan sa aking paligid at mabilis na pinakawalan ang ilang putok : Bang, bang, bang!

Napangiti si Ate.

Merry Christmas
and a
Happy New Year!


Sunday, December 14, 2008

Pektus!

Sa mga dumaang taon papasok pa lamang ang Disyembre inaasikaso na ni Kulas ang listahan ng kanyang mga papaskuhan. Binibigyan niya ng pag-iisip ang mga hilig ng kanyang mga kaibigan at kamaganak. Sa ganitong paraan naniniwala siya na kahit hindi mamahalin ang kanyang pamasko, magugustohan nila. Walang duda ito. Napatunayan niya na ito sa mga dumaang taon.

Mabangit ko lang na hinde ako naniniwala sa mga nagsasabi na kahit na ano ay maaring panregalo – na sapat na ang may mai-abot ka. Para kay Kulas mas mabuti pa ang wala kaysa mayroon na wala namang kabuluhan. Siyempre, iba yung magpasalubong ka ng para sa lahat tulad ng pagkain, halimbawa. Pero, sa mga personal na bagay, kailangang may kahalagahan ang regalo mo sa hinahandugan.

Nawari ni Kulas ito sa sariling niyang karanasan. Sa kanyang paglaki wala siyang maala-alang ragalo na tunay niyang napusuan. Lagi na lang mintis o daplis ang dating! Sa kung ano pa mang dahilan na hinde niya maunawaan, kahit na sabihin niya ang bagay na gusto niya, hinde pa rin niya ito makamtan. Kaya, sa kanyang paglaki, tulad ng kasabihan na "do unto others what you want others to do unto you, " binibigyan niya ng tunay na halaga at panahon ang kanyang handog. Hinde naman siya martir, ano. Ang katunayan may pansariling dahilan ito. Nagbabaka sakali lang na kapag kumalat ang ideyang ito ay talbugan siya at iba pang nilalang ng sinimulan niyang gawain.

Talbugan kaya?