Pilit niyang sinubi ang ala-ala ni Noli sa likod ng isipan niya at patay malisya na tinawag ang mga pangalan sa listahan ng birth certificate na nakahanda ng ipamigay.
Napoleon Baleryano, Romeo Cwenteno, Armando Rufo, Ismael . . .
"Miss, Miss, Miss, Miss, Napoleon Baleryano, Napoleon Baleryano, tinawag niyo ba ang ngalang Napoleon Baleryano?" ang habol ni Ompong. Walang malay na pinihit ni Carmen ang dala niyang birth certificate at mabilis na hinugot ang kay Ompong, "O ayan!" Halos masubsub sa mukha ni Ompong ang papel, ngunit di man namalayan ni Carmen ang ginagawa niya. Nasa kung saan na lupalop ang isip niya...
Tumutugtug ng piano si Noli ng dumating sila Carmen. May practice sila ng araw iyon. Kakanta sila sa isang paligsahan sa school at silang dalawa ni Noli ang pambato ng class nila. Kunot noo si Noli ng batiin niya si Carmen. "O ano, nahuli na naman si Miss Universe! Nagpaganda ka na naman ano?" ang tanong niyang may kahalong ngiti. "Tse, nagpaganda ka diyan," ang sagot ni Carmen na wari mo'y Gustong batukan si Noli. Lagi na lang siyang kinukulit nito, lalo na kung makahanap ng dahilan. Kumukulo ang dugo niya sa inis, pero kapag nariyan ang pagkakataon na ibuhos ang kanyang galit kay Noli, napapawi ito sa mga mais na biro ni Noli. "O, sige na nga. Halika na rito at simulan na natin mag practice," ang mahalinang yakag ni Noli...
Umupo si Carmen sa tabi ni Noli at ng ibuklat ni Carmen ang sa susunod na pahina ng kanilang tugtugin, nasangi ni Noli ang dibdib niyang walang panilalim. May gumuhit na kuryente sa katawan ni Carmen. Bagay na ikinabahala niya. Damdaming bago sa kanya. Damdaming di niya kilala...
Napoleon Baleryano: Ipinanganak sa PGH alas tres ng Umaga Marso 26, 1982 ni Gng. Mercedes Baleryano. 7.6 libra...
Huminahon ang kalooban ni Ompong ng makita niya ang pangalan ng nanay niya sa birth certificate. Natawa siya sa kanyang sarili na magduda na tunay siyang anak ng nanay niya. Pagkalipas ng ilang sandali naalala niya ang kanyang panaginip ng makita ang isang billboard na may larawan ng lalaking bigotilyo. Madali niyang tinitigan ang birth certificate at halos madismaya ng mapansin niyang wala ang pangalan ng ama niya o ang naturingang ama nilang magkakapatid..