Tuesday, February 23, 2010

Kahapon lang.

Narinig ko ang kapirasong himig ng isang awitin. Hindi ko mawari ang pangalan datapwat sumasabay ang isip ko sa pag-awit nito. Nawala ako sa aking kinalalagyan at naglakbay sa isang tag-init na kahapon: nakasakay sa bus papuntang Quiapo, manunood ng sine sa Avenida Rizal.

Nangangagat ang araw at nakapupuwing ang alikabok sa arangkada ng bus. Paparoon at paparito ang mga naglalakad sa bangketa, lahat abala at wari mo ay nagmamadali sa pupuntahan nila.

Sandali pala akong nakatulog. Dumalaw ang antok at sa tulong ng isang awitin ay sandaling bumalik ang isang saglit ng kahapon. Nalungkot ako, nais ko sanang maibalik ang dumaang panahon na hindi ko binigyan ng sapat na pansin at pasalamatan.

Pero, talaga naman ganyan, hinde ba. Ang ngayon ay laging lumilipas. Sa kinabukasan lang natin nare-realize na okay ang nangyari kahapon.