Sunday, October 26, 2014

Bulaklak at Bubuyog.

Noong binatilyo ako, libre at walang masyadong responsabilidad sa buhay, madali ang makipagkaibigan sa mga babae. Sari-sari ang kanilang mga ugali, ganda, tayo sa buhay at pinag-aralan. Si Dodi, halimbawa, ay mula sa may kayang pamilya. Mestisahin, matangkad, mataas ang pinag-aralan, mabaet at maganda. Sa college ko siya unang nakilala. Hindi bilang kaibigan, ngunit dahil lamang sa magkakaklase kami sa Physical Education. Co-educational kasi ang paaralang pinapasukan namin.

Sayawan ehersisyo ng klaseng ito - American group folk dancing. Kaya American folk songs ang tugtugin na sinasayawan namin. Ganito takbo: Yung mga babae kapit kamay paikot sila, mga labing lima hanggang dalawampo sila. Ang mga lalaki ganoon din, kaya lang pinaiikutan namin ang mga babae, sa loob sila, sa labas kami.

Ang nakatutuwa dito, hinde alam ng mga babae kung sino ang magiging partner nila dahil una silang pumoporma paikot, susunod ang mga lalaki. Dahil maganda si Dodi, lagi namin siyang pinaguunahan, pero pasimple lang dahil taglay na mahiyain ang mga boys and girls noon, kaya kunwari di sinasadya ang pangyayari.

Kung sinisuwerte ako, si Dodi nakakapartner ko, kung di naman, umaasa na makatapat siya pag-ikot at pagpalit ng kapareha. Hinde naman kami nag-introduce ng aming mga sarili buhat pa ng simula ng klase. Sa madalit salita, para na lang nagkasabay ang dalawang klase namin. Kanya-kanya papunta at kanya-kanya, paalis. So, sa pasimula, di ko alam ang pangalan niya, datapwat nahawakan ko na ang kanyang mga kamay at baywang sa pagsasayaw. "I wonder who's kissing her now," ang tugtugin na sinasayawan namin:

I wonder who's kissing her now, 
Wonder who's teaching her how? 
Wonder who's looking in to her eyes? 
Breathing sighs! Telling lies!
 
I wonder who's buying the wine? 
For lips that I used to call mine, 
Wonder if she ever tells him of me? 
I wonder who's kissing her now?

Alam ko, panahon pa ni Majoma ang awitin na iyan, pero yan yun, e. Paminsan-minsan napapansin ko na sumusulyap siya sa akin pagsimula ng sayaw. Nasaan na kay yung chinito na kasayaw ko nuong isang linggo ang ini-imagine kong nasa isip niya, hehe. Parang nakikiramdam kung sino o kung ako ang kapartner niya at ganoon din ako - pinakikiramdaman ko din, kung nasisiyahan siya kapag ako ang partner niya. Ganoon pa man, hanggan duon na lang yun. pagkatapos ng semester, di na kami muling nagkita.

Oo, paminsan-minsan nakakasalubong ko siya sa corridor ng eskuwelahan. Hinde naman kami nagbabatian, so wala na sa isip ko. Iyung mga panaginip na mangyari na magkaroon kami ng kasundoan o maging makaibigan man lang ay walang pag-asa. Isa pa hindi ko na siya naging kaklaseng muli.

Lumipas ang isang taon ng nagkaroon ako ng bagong barkada. Madalas kami magparty at makisalo-salo sa opposite sex. Mahilig naman kasi manligaw itong bago kong mga kasama. Isang araw sinama nila akong manligaw sa tahanan ng babaeng nililigawan ng barkada ko. Maganda at malaki ang bahay sa isang magandang lugar. Bihis kami at suklay ang mga buhok. Halika, pasok ka ang imbita ng kabarkada ko. Nasurpresa ako ng makita ko si Dodi sa silid. Nakaupo sa malaking bilog na lamesa at may dalawa pang lalaking manliligaw. So pangatlo na ang barkada ko at ako, ano ako, pang moral support dahil nga naman may ibang kalog na mukhang astig.

Pinakilala ako ng barkada ko kay Dodi na ngumiti sa akin. "Hi," ang sabi niya at ganoon din ako. Hindi ba niya ako namukhaan ang sumugod sa isip ko. Mukhang hindi nga at bakit ka naman niya ako maaala-ala, sino ka ba? He, he, so, diko na sinundan ang damdamin ko na magsabi na, "hey, di ba naging magkakalase tayo noon..." Nakisakay na lang ako na kunwari doon una naming pagkikita.


Nagtampisaw sa tubig.

Naglalaro sila ng "Isang tanong. Isang sagot." ng abutan namin. May listahan na pagpipilian ng tanong at kailangan na sagutin mo ito ng tapat(kuno). Di ko na maala-ala kung ano patakaran ng laro, pero ito ang dating ng tanong: Naglalakad ka. Napaka-init ng panahon. Napadaan ka sa isang ilog na nagaanyaya sa iyong maligo. Ano ang gagawin mo? Ang sagot ng barkada ko ay walang pasubaling tatalon siya upang magpalamig. E, ikaw naman, ano ang sagot mo, ang tanong sa akin ni Dodi. Ako, pakikiramdaman ko muna ang tubig bago ako sumulong. Medyo disappointed sa di inaasahang sagot ko. Sumingit naman agad ang isang manliligaw ni Dodi, "mas gusto ko sagot niya, tinutukoy ako, "Test the waters before jumping in, diba!" at nagtawanan ang lahat.

Ito pala ibig sabihin ng istorya at kasunod na tanong nito: Yung init ng araw, pagsubok na dinadaan natin sa buhay. Yung Ilog, ay pag settle down o pag tahimik sa buhay ng lagalag(singles life) at pag sumulong ka sa ilog, magsesettle down kana, meaning magaasawa ka.


Limot na.

Kung may interes man ako kay Dodi, nawala na ng araw na iyon. Nililigawan ng barkada ko(di katalo, sa salitang barkada) at di naman nila alam yung saglit mang damdamin ko noon kaya kinalimutan ko na kung ano mang damdamin ko kay Dodi. At saka mayroon na naman akong bagong nagugustuhan na sa tingin ko ay may pagtingin din sa akin. Pero, hinde ko na siya ikikuwento dahil wala namang nangyari. Mga damdaming walang dinatnan. Masyadong malaking bagay-bagay na kailangan upang makamtan ang nais kong mangyari at wala talaga sa baraha. Ano pa man may ilan pang mga dalagita na dumaan sa aking buhay na may nangyari man ay wala naman katuturang nadating. Nag graduate ako sa Universidad, nagtrabaho at ano pa, napadpad sa America.


Itutuloy...